Thursday, August 27, 2015

Pag-ibig


Pag-ibig
ni Teodoro E. Gener

Umiibig ako, at ang iniibig
ay hindi ang dilag na kaakit-akit,
pagka't kung talagang ganda lang ang nais,
hindi ba't nariyan ang nunungang langit?
Lumiliyag ako, at ang nililiyag
ay hindi ang yamang pagkarilag-dilag,
pagka't kung totoong perlas lang ang hangad,
di ba't masisisid ang pusod ng daga?

Umiibig ako't sumisintang tunay,
di sa ganda't hindi sa ginto ni yaman,
Ako'y umiibig, sapagkat may buhay
na di nagtitikim ng kaligayahan.

Thursday, August 20, 2015

Hunyo Na, Mahal Ko


Hunyo Na, Mahal Ko
ni Mar Al Tiburcio

buwan na ng Hunyo,
tayo na, mahal ko,
at ating libutin ang bawat
simbahan na nakaparipa sa kamaynilaan,
upang makatikim kahit konting lugaw,
ang ating sikmurang laging lumilikaw.

maghihintay tayo
 sa labas ng patyo
at aabot ka doon sa paglabas
niyong bagong kasal; ang nakikigalak
tiyak magsasabog ng maraming bigas
na pupulutin ta't iipuning ganap.

kaya nga, mahal ko,
ay magsikap tayong
ang bawat simbahan ay mapuntahan ta
nang di ta mamatay na dilat ang mata;
tayo ang sisinop sa inaaksaya
niyong mga taong malaman ang bulsa.

Saturday, August 8, 2015

Kapaligiran



Kapaligiran
ng Asin

Wala ka bang napapansin
Sa iyong mga kapaligiran
Kay dumi na ng hangin
Pati na ang mga ilog natin.

Hindi naman masama ang pag-unlad
At malayu-layo na rin ang ating narating
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat
Dati'y kulay asul, ngayo'y naging itim.

Ang mga batang ngayon lang isinilang
May hangin pa kayang matitikman
May mga puno pa kaya sila aakyatin
May mga ilog pa kayang lalanguyan

Darating ang panahon, mga ibong gala
Ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayon ay namamatay dahil sa 'ting kalokohan

Wednesday, August 5, 2015

Sa Ugoy Ng Duyan



Sa Ugoy ng Duyan
ni Lucio San Pedro at Levi Celerio

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
Nais ko'y maulit ang awit ni Inang mahal
Awit ng pag-ibig, habang ako'y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala, ang mga tanod ko'y bituin
Sa piling ni Nanay, langit ang buhay,
Puso kong may dusa'y sabik sa ugoy ng duyan